30th Floor

'30th FLOOR'
by alyssa neekol cacho gratil <3
“Ang taas.” Sabi ni June.
Kasalukuyan nasa tuktok ng isang building ang dalaga, nakatayo’t nakaharap sa kung saan wala na syang maaapakan kung sakaling humakbang sya ng isa pa. Sa kabila ng lahat, nakakapit siya sa isang bakal na nakatayo sa tabi niya.
“Malamang. 30th floor ‘to, eh.”
Halos malaglag sa gulat si June dahil sa lalaking biglang nagsalita sa likod niya.
Lumingon si June, naiinis, “Ano ginagawa mo dito?! Sino ka?!”
“Tatalon ka, miss?” kalmadong tanong ng lalaki.
“Sagutin mo muna tanong ko!”
“Pero, tatalon ka nga?”
Naasar si June. Magpapakamatay na nga lang sya, bubwisitin pa sya nitong lalaking ito hanggang sa huli niyang hininga. Cute pa naman, chismoso nga lang.
“Eh ano naman sayo kung tumalon ako?!” bahagya ng nakaharap si June sa misteryosong lalaki, pero matindi pa rin ang kapit sa bakal.
“Wala naman. Tinatanong ko lang.”
Napabuntong hininga si June. “Usisero.” Pabulong niyang sinabi.
Isang minuto halos ang lumipas ng walang nagsalita.
“Bakit ka tatalon?” simpleng tanong ng lalaki.
“Gusto ko na mamatay. Duh.” Simpleng sagot ni June.
“Bakit gusto mo na mamatay?”
“My gosh! Five years old ka ba?! Tanong ka ng tanong!”
“Twenty years old na ako. At tatanda pa pagdating ng panahon. Eh, ikaw? Mukha kang…hmmm…eighteen? Tama, eighteen years old ka. At hanggang eighteen years old ka na lang.”
Sa hindi makapaniwalang pagkakataon, kinilabutan si June sa sinabi ng lalaki. At tama, eighteen years old nga siya. Kakatapos lang ng kanyang debut last week.
“Eh ano naman kung manatili akong eighteen years old? Buti na yon kesa tumanda akong puro perwisyo lang sa buhay ang nararanasan ko!”
“Wala ka bang pamilya?”
“…meron.”
“eh kaibigan?”
“…meron din.”
“Ah. Ok.”
“…”
“…”
“Bakit mo natanong?”
“Sige, magpakamatay ka, kung gusto mo. Wag mo na isipin yung pamilya at mga kaibigan mong iiwan mo dito.”
Natulala si June. Biglang nag-dalawang isip. Tatlo. Apat. Hindi na niya alam ang gagawin.
Tumawa ang lalaki.
“Bakit ka tumatawa?! May nakakatawa?! Umalis ka na dito kung tatawa ka lang!”
Huminto ang lalaki sa kakatawa. Nagpigil.
Mga ilang minuto ulit ang lumipas. Hampas lang ng hangin at tunong ng mga abalang sasakyan sa kalsada ang naririnig nila.
“Kelan ka tatalon? Next week?” parang naiinip na tanong ng lalaki.
“Aba! Atat?! May meeting ka?! Eh kung iwan mo na kaya ako?! Papakamatay na nga lang, may storbo pa.”
“Hn.” Lumakad ang lalaki papalapit sa tabi ni June, obviously deadma sa mga sinabi ng magpapakamatay na dalaga. Sumilip siya saglit sa baba. At tsaka tumingin ng diretso sa papalubog na araw.
“Usog ka ng konti sa kanan.”
“Baket?!”
“Kotse ko yung babagsakan mo. Kakalinis ko lang nun.”
Halos batukan na ni June yung pang-asar na lalaki. “Ay timawa ka talaga!!!”
Hindi nagsalita ang lalaki. Yumuko siya at tila may inilapag sa sahig.
“Oh, eto, ah. Regalo ko na sayo. Kung next week ka pa tatalon, magbasa ka muna.”
Malumanay na tinapik ng lalaki ang balikat ni June ng isang beses, sabay naglakad papaalis.
Hindi maintindihan ni June kung bakit bigla siyang nakaramdam ng matinding lungkot nung umalis na yung lalaking halos itulak na nya sa gilid ng building dahil sa sobrang asar.
Napatingin si June sa kalsada. At tsaka tumingin ng direstso sa papalubog na araw.
“Hn, malinis nga ung kotse. Sayang naman.”
Bumaba siya saglit sa kinatatayuan para umusog ng konti sa kanan, nang bigla syang matalisod sa bagay na inilapag ng lalaki sa sahig. “Ay badtrip! Bakit ba kasi ako nag-heels?”
Pinulot ni June ang ‘regalo’ sa kanya ng lalaki. Tinignan. Tinitigan. Saka lumuha. Saka umiyak ng tuluyan.
Humarap siya sa bahagyang nakabukas na pintuan ng rooftop, sabay sumigaw, “HOY LALAKE! SALAMAT SA BIBLE!”
Apat na taon ang lumipas, buhay pa rin si June. Pastora na siya sa isang maliit na simbahan sa kanilang village.
Pumasok siya sa isang coffee shop, at umorder ng Java Chip.
“Miss, name niyo po? Tatawagin ko na lang po kayo pag ready na order niyo.”
“June.”
Umupo muna siya sa usual niyang inuupuan. Binabasa ang Bible na regalo sa kanya ng lalaki sa rooftop four years ago habang hinihintay ang kape niya.
“June!” tawag ng coffee shop crew.
Tumayo si June, dinampot ang kape, hanggang sa may isang kamay na pumigil sa kanya.
“Excuse me, miss. Mali ata rinig mo. June daw, eh.”
“Oo. June nga.”
Nagkatinginan ang dalawa. At biglang bumalik sa alaala ng dalaga ang lalaking nagligtas sa kanya sa 30th floor.
“Ikaw?!” sabay nilang sinabi, habang nakangiti.
--fin--