Kamay...

KAMAY
by alyssa neekol cacho gratil


“Crap. Crap. Crap. Crap. Oh no, for heaven’s sake, no…Craaaaaap!” Umagang-umaga, yan ang bukam-bibig ni Joshua.
“Crap ka ng crap dyan!” sigaw ng bestfriend nyang so Allan. “Sino ba tumae sa inyo, ha?? Iniinit niyo bumbunan ng pare ko!” baling ni Allan sa kanilang mga kaklase, kunyari’y naiinis.
“Manahimik ka nga dyan, Allan.” Sabi ni Joshua habang natatawa sa kaibigan.
“Eh ikaw kasi eh. Kakasikat pa lang ng araw, ang babango na ng mga pinagsasasabi mo.” Bawi ni Allan. “Ay, oh, tignan mo, may nagtext, anonymous, sabi jeux tot lang daw yon, hindi crap!”
“Abnormal ka talaga!”
At nagtawanan ang dalawa.
Si Joshua at Allan. Mayaman si Joshua. Si Allan, hindi. MVP si Joshua. Si Allan, hindi. Araw-araw, badtrip si Joshua. Sa kabila ng kahirapan sa buhay at sa hindi maipaliwanag na rason, si Allan, hindi.



“Ano ba kasing problema mo? Araw-araw na lang meron, marami kang stock?!” tanong ni Allan habang lumalamon ng baong tuyo at kanin.
“Mom ko kasi, eh. Sinasama nanaman ako dun sa party niya. Eh sa mismong championship pa ng basketball team natin!!”
“Oh, pwedeng sorry?” pabirong depensa ni Allan sa nag-iinit na si Joshua. “hmm. Patay ka nga.”
“Laki ng natulong mo.”
“Hahaha. Jok lang. Pakiusapan mo kasi ng maayos mama mo! Hindi yung puro ka ‘crap!’ Nakakawala kaya ng gana kumain!”
“Ikaw pa walang gana, eh parang vinacuum mo lang yang baon mo, eh!”
“hahaha!”
“Tsk. Tara na, PG. uwi na tayo. Hatid na kita sa sakayan, dala ko car ko, eh.”
“PG?” tanong ni Allan habang nililigpit ang baunan.
“Patay-gutom.”
“Muka mo!” sigaw ni Allan habang pabirong pinapalo si Joshua.

Sumakay sila sa Ford ni Joshua. Syempre, nakain si Allan ng high-class na sasakyan at nagsimulang pindutin ang lahat ng makita nyang pwedeng pindutin. Sanay na sa kanya si Joshua, kaya pinabayaan na lang niya ang hamak na kaibigan.
“Wow pare, ang ganda! Bago nanaman? Disposabol na ba mga tse-kot ngayon?!”
“First of all: kotse, hindi tse-kot. Pangalawa: Regalo lang ‘to ni Tita. Ang gwapo ko daw kasi.” kunwari’y striktong sagot ni Joshua.
“Eh? Ay nako, isauli mo na bago pa luminaw mata ng tita mo. Mapagalitan ka pa nyan.”
Tawa nanaman. Ito ang gusto ni Joshua kapag kasama si Allan, nakakalimutan nyang idescribe ang buhay niya bilang isang hell-hole.
Nasa high-way na sila. Masaya ang biyahe. Soundtrip. Tapos tawa sila ng tawa. Okey na sana, kaya lang hindi nila napansin yung truck…


Matapos ang sampung oras na wala siyang malay, nagising sa wakas si Joshua.

“Allan…Allan? Allan!”

“Huy! Muntik ka ng mag-panic, ah! Muntik lang! Buti nakapagpigil ka pa. Ang ingay-ingay mo! Nabili mo tong ospital?? Magkano, pare??” si Allan. Parang hindi naaksidente kung makapagbiro.

Napabuntong-hininga si Joshua. “Pare, kinabahan ako! Akala ko…”
“Patay na ko? Haha. timawa ka talaga. Yung mga imahinasyon mo, minsan, kinekwestyon ko na talaga eh! Haha.”
“Eh kasi, pare, I remembered, hindi ka naka-seat belt!”
“Pano ba naman, wala sa bundok naming ung tipo ng seatbelt ng sasakyan mo. Hahaha. Hindi ko alam panu gamitin eh.”
Muli, huminga ng malalim si Joshua. Buhay si Allan, hindi siya nakapatay ng tao. Good news.
“Pare, sorry ha.” Sabi ni Joshua.
“Naku, wala yon. Basta, galingan mo magpahinga. Para umabot ka sa Championship. Kinausap ko mama mo kanina, hindi ka na daw niya pipilitin ulit sumama sa party niya kung ayaw mo.”
Kasing laki ng pakwan ang ngiti ni Joshua, “Talaga, pare? Anggaling mo talaga! Pano mo siya na-convince?”
“Panong hindi? Eh habang kinakausap ko siya nakahiga ka dyan, walang malay. Awang-awa kaya siya sayo.”
“Henyo ka talaga!”
“Hn.” Payabang na banat ni Allan, “Nasa tamang paggamit lang yan ng props, Joshua.”



“Nga pala, ok ka lang ba? Wala ka bang…damage?” tanong ni Joshua. Hindi pa niya talaga tinitignan ng diretso si Allan upang makita ang dapat makita.

Natahimik si Allan.

“Pare, what’s the matter?” tumagilid si Joshua sa higaan upang tignang mabuti ang kaibigang nakaupo sa wheelchair sa tabi niya.
“Hay, pinakaba mo naman ako! Akala ko naman kung ano ng…” napahinto si Joshua sa kanyang sinasabi nang makita niya ang mga kamay ni Allan.
O kung sasabihin ng mas tama: ang kawalan ng mga kamay ng kaibigan.
“…Pare…yung mga kamay mo…” sabi ni Joshua, habang nakatitig sa kaibigang hanggang naka-bandage na siko na lang ang magkabilang braso.
“Eh ganun talaga, eh.” Sagot ni Allan, nakangiti pa rin. Umiiyak. Pero nakangiti.

Sa panahong dapat sana ay si Joshua ang nagpapatatag kay Allan, ngiti pa rin ni Allan ang nagpapatatag kay Joshua.
Mahirap lang sina Allan. At ang tangi niyang trabaho ay ang pagiging gitarista ng isang small-league na banda. Mahilig din siya mag-pinta. Kaya nga siya ng fine arts kahit ayaw ng pamilya niya.

“Pare…I’m…I’m so sorry…” hindi pa rin makapaniwala si Joshua sa nakikita niya. O, kung sasabihin ulit ng mas tama: sa hindi niya nakikita.
“Ayos lang yon.” Panigurado ni Allan habang ginagawa ang lahat ng makakaya upang punasan ang luha sa pisngi niya, “Buhay naman ako, eh!”
Noong sandali ring yon, napaisip si Joshua sa kung gaano niya hinanangaan ang kaibigan. Siya ang mayaman, siya ang MVP, pero si Allan ang mas masaya at kuntento sa buhay.

At ngayon, kahit na dalawang siko na lang ang meron si Allan, nagpapasalamat pa rin siya dahil siya ay buhay. Naisip ni Joshua, kung siya ang mawawalan ng dalawang paa at mawawalan ng pagkakataong gawin ang bagay na pinakagusto niya, pipiliin niya na lang na magpakamatay ng hindi nagdadalawang-isip.
Walang ibang nagawa si Joshua kundi samahan ang kaibigan sa pag-iyak.
“Pano na, Allan?” tanong ni Joshua.
“Ewan. Sa totoo lang, hindi ko alam. Pero sigurado ako, maganda. May magandang mangyayari dito.”
“Pano mo pa nasasabi yan?! Wala ka ng mga kamay, pare!” napasigaw si Joshua dahil sa frustration.

“Oo, wala na nga akong mga kamay. Pero meron pa akong Diyos.”

Kasabay ng panibagong bugso ng luha, ay nag-umapaw rin ang bilib ni Joshua sa paniniwala at katatagan ni Allan. At dahil dun, hindi na siya nagdalawang-isip. Siya rin ay naniwala.
--fin--